TV PATROL: Ilang pet crematorium, apektado ang negosyo sa isyu ng pagtatapon ng labi ng mga hayop
Aminado ang ilang pet crematorium, na apektado ang kanilang negosyo dahil sa lumolobong isyu ng pagtatapon ng labi ng mga alagang hayop, sangkot ang isang aftercare service provider sa Bacoor, Cavite.
Payo nila sa mga fur parents, tiyaking lehitimo ang pet crematorium, bago tanggapin ang alok nitong serbisyo.
Ayon sa isang animal aftercare service provider sa Marikina, nabawasan ang mga kliyenteng nagpapakuha ng labi ng kanilang alagang aso sa kanilang bahay at dumami naman ang mga personal na naghahatid ng labi ng kanilang alaga sa kanilang pasilidad.
Sunud-sunod rin ang mga naghahayag ng pag-aalala, lalo yung mga dati nilang kliyente.
Isa ang pamilya ni Marlon Itona sa mga hindi makapaniwala sa balitang 25 patay na aso’t pusa ang itinapon sa bakanteng lote sa San Jose del Monte, Bulacan.
May alaga silang aspin o asong pinoy na kamamatay lang noong October 31 kaya napapaisip siya kung magtitiwala sa proseso ng pagpapa-cremate sa kanilang fur baby.
Nagpapatrol, Francis Orcio.
TV Patrol, Huwebes, 5 Nobyembre 2026.