2 lalaking tangka umanong magnakaw ng kable arestado sa QC
Arestado ang dalawang lalaki, edad 30 at 32, matapos silang mahuling nagsisinsil sa paanan ng isang poste ng kuryente upang magnakaw umano ng kable sa Congressional Avenue, Barangay Culiat, Quezon City. Courtesy: QCPD via Bea Cuadra MAYNILA — Arestado ang dalawang lalaki, edad 30 at 32, matapos silang mahuling nagsisinsil sa paanan ng isang poste ng kuryente upang magnakaw umano ng kable sa Congressional Avenue, Barangay Culiat, Quezon City.
Ayon kay Lt. Col. Wilfredo Fabros Jr., station commander ng QCPD Holy Spirit Police Station (PS-14), Martes ng hapon, Nobyembre 10, nang sitahin ng mga nagrorondang pulis ang kahina-hinalang kilos ng mga suspek.
“No’ng lumapit sila medyo tumigil sa ginagawa yung dalawang tao pero syempre kahina-hinala yung ginagawa tinanong nung mga tao natin ‘bakit kayo andyan? Ano ginagawa nyo? Bakit n’yo sinisinsil yang poste?’ So hindi sila makasagot,” paliwanag ni Fabros.
Dahil dito, hinanapan ng mga awtoridad ang dalawa ng job order o authorization permit, ngunit nabigo ang mga itong magpakita kaya tuluyan silang inaresto. Nakumpiska mula sa kanila ang ginamit na martilyo at pangsinsil na gawa sa tubong may pako.
“Base sa imbestigasyon natin ang balak nilang nakawin is ‘yong mga cable ‘yong andoon sa may poste na ‘yon na steel kasi mahal kasi yon. ‘Yon ang paboritong targetin ng mga magnanakaw ng cable,” saad pa ng opisyal.
Binigyang-diin ni Fabros na kung hindi agad nasawata ang dalawa, maaari itong magdulot ng malawak na brownout sa mga kabahayan sa paligid.
Sa presinto, inamin ng mga suspek ang planong pagnanakaw.
Lumabas din sa record ng pulisya na dati nang nakulong ang dalawa dahil sa kaso ng ilegal na sugal.
Kasalukuyan nang nakapiit ang mga suspek sa custodial facility unit ng Holy Spirit Police Station habang inihahanda ang reklamong malicious mischief laban sa kanila.