Thursday, November 12, 2026

Thinking Port

Another port for thinking people…

ABS-CBNNewsPhilippines

Kahera tinangay ang halos P500k na 13th month, sweldo ng 18 katrabaho sa Malate

Nawalan ng halos kalahating milyong pisong 13th month pay at sweldo ang 18 empleyado ng isang resto bar sa Malate, Maynila matapos tangayin ng kanilang kahera. Contributed via Jessie Cruzat 

MAYNILA — Nawalan ng halos kalahating milyong pisong 13th month pay at sweldo ang 18 empleyado ng isang resto bar sa Malate, Maynila matapos tangayin ng kanilang kahera.

Madaling araw noong Nobyembre 5 nang makunan sa CCTV ang suspek habang kinukuha ang perang nakatago sa isang vault.

Inilagay niya ito sa kaniyang bag bago mabilis na tumakas.

Nasa P437,000 ang perang nakalaan sana para sa sahod at 13th month pay ng mga empleyado.

Matapos ang insidente, nag-message pa ang kahera sa kaniyang kapatid na nagtatrabaho rin sa resto bar at umamin sa pagnanakaw.

Anim na buwan pa lamang siyang nagtatrabaho sa establisimyento at ang kapatid pa mismo niya ang nagpasok sa kaniya sa trabaho.

“Nabigla siya sa ginawa ng kapatid niya. Sabi niya, kung ipapakulong, ipakulong na. Paldo siya pero sa isip-isip ko, pinaliit niya ang mundo niya,” saad ng general manager ng resto bar.

Nakunan naman ng CCTV sa Santa Ana, Maynila, kung saan nakatira ang suspek, ang pag-aalsa balutan nito noong araw ding iyon.

Labis ang pagkadismaya ng mga katrabaho ng kahera dahil may kani-kaniya na silang pinaglaanan para sa kanilang 13th month pay.

“Kailangan din ‘yon sa pampa-check up ng nanay ko kasi may maintenance din kasi ‘yon. Matanda na. Sa ginawa niya, ikinagalit ng lahat ‘yon,” saad ng manager ng resto. 

“Inantay ko pong makuha ‘yong sahod at 13th month pay namin pang-birthday po ng anak ko kaso gano’n po ang nangyari. Nagpabili na lang siya ng toy. Next time na lang daw kami mag-celebrate pag may pera na,” dagdag naman ng isa pang empleyado.

Noong Miyerkules, isinumite na ng may-ari ng resto bar sa pulisya ang lahat ng ebidensiya upang pormal na masampahan ng kasong qualified theft ang suspek.

“‘Yong ginawa mo, hindi lang naman para sa company, hindi para sa akin, sa pamilya na nag-aantay. Hindi mo man lang naisip na may mga pamilya sila. Hindi ko naintindihan paano niya nagawa ‘yon,” saad ng may-ari ng resto bar.

Ayon kay Maj. Philipp Ines, tagapagsalita ng Manila Police District, mas mabigat ang parusa sa qualified theft kumpara sa iba pang uri ng pagnanakaw dahil sa paglabag sa tiwala ng employer.

“Ito kasi ‘yong pagkasira sa tiwala ng kanyang employer. Ang tiwala libre, pero pag nasira mahirap na itong ibalik.”

Nangako naman ang pamunuan ng resto bar na makatatanggap pa rin ng 13th month pay ang mga empleyado.

         

Leave a Reply