Thursday, November 19, 2026

Thinking Port

Another port for thinking people…

ABS-CBNNewsPhilippines

2 lalaking tumakas sa checkpoint nahulihan ng baril

Arestado ang dalawang lalaki matapos takbuhan ang mga pulis at mahulihan ng baril sa bahagi ng Tirona Highway sa Barangay Dulong Bayan, Bacoor, Cavite noong Martes, November 17.

Ayon kay PLt. Col. Alexie Desamito, hepe ng Bacoor Component City Police Station, nagsasagawa ng oplan sita ang mga pulis na nakatalaga sa lugar nang mamataan ang magkaangkas na suspek.

“Sinita po at sinenyasan para po mag-slow down Pero sa halip po na sumunod ‘yung nakasakay sa motor na ‘yan, na dalawang lalaki, ay sumibat po sila. Kaya ‘yun ang naging senyales…hinabol po ng pulis natin. At hanggang sinundan na sinundan at inuutusan na tumabi. Nagkahabulan po,” kwento ni Desamito.

Nang ma-corner ng mga pulis, nagtangkang bumunot ng baril ang nakaangkas na suspek.

“Bigla pong ‘yung naka-angkas na mayroong belt bag, ay bigla niyang pinapasok yung kamay sa belt bag. So yun, na mas naging alisto ngayon yung pulis natin. Kung kaya, bago pa totally mabunot nung isa sa mga suspects, ‘yung isang bakal galing doon sa belt bag niya, ay naagapan na po ng pulis natin kaya nagkaroon ng konting nagpambuno po sila. Hanggang sa malaglag yung baril,” dagdag pa ng hepe.

Nakumpiska sa suspek ang kalibre .32 na baril na may lamang mga bala.

Wala din umanong maipakitang dokumento ang mga suspek ng baril.

Sasailalim sa ballistic and crossmatch examination ang nakuhang baril.

Aminado naman ang isang suspek na sa kanya ang baril.

“Nadala ko lang din yung baril… Nabili ko lang po,” aniya.

Tumanggi namang magbigay ng pahayag ang isang suspect.

Nahaharap sila sa mga kasong Resistance and Disobedience to Person in Authority at Illegal Possession of Firearms. 

Leave a Reply