Thursday, November 19, 2026

Thinking Port

Another port for thinking people…

ABS-CBNNewsPhilippines

Lalaking nagtangkang magnakaw ng motorsiklo sa Bacoor arestado

Arestado ang isang 34-anyos na lalaki matapos magtangkang magnakaw ng motorsiklo sa bahagi ng Barangay Salinas 2 sa Bacoor City, Cavite Martes ng hapon, November 17.

Ayon kay PLt. Col. Alexie Desamito, hepe ng Bacoor Component City Police Station, pinarada ng biktima ang kanyang motorsiklo sa harap ng pinagtatrabahuhan pero hindi niya namalayan na naiwan niyang nakasaksak pa ang susi kaya pinaandar ito ng suspek at tinangka sanang itakas pero napansin ito ng biktima.

“Nagkaroon ng chance tuloy ‘yung suspect na itakbo o nakawin, itakas ‘yung motor ng biktima… buti na lang napansin po ng biktima na mayroong nagtatangka na magnakaw po ng motor niya kaya nagkahabulan at nagsisigaw na po ‘yung biktima,” kwento ni Desamito.

Ayon sa PNP agad na tumakbo ang suspek nang mapansin ng biktima ang ginawa nito sa motorsiklo.

Sa kuha ng CCTV, kita ang isang lalaki na tumatakbo papasok sa covered court ng barangay.

Kita namang sinundan siya ng isang motorsiklo at ilan pang residente na pumasok na din sa covered court.

“Nung marinig ng mga tao sa paligid kasi doon siya tinakbuhan ng suspect ay medyo matao at malapit sa gym ng barangay… So nagkaroon ng komosyon hanggang sa nagkataon naman na may mga nagmalasakit habang naririnig nila na ‘magnanakaw, magnanakaw,’ ganun so may nagmalasakit at may pulis din tayo that time sa paligid na nag coconduct ng case surveillance sa lugar so tumulong na sila maghabol,” dagdag pa ng hepe.

Sinubukan pa umanong manlaban ng suspek nang siya’y arestuhin.

Dati na din umanong may record sa pulisya ang suspek.

“Inamin din naman niya, siya ay nakulong na dati. At nung tinanong natin bakit… Yan na gawain, wala lang. Siya ay nasangkot din sa paggamit ng pinagbabawal na gamot,” sabi ni Desamito.

Aminado naman ang suspek sa nagawang krimen.

“Nakita ko po yung motor po may susi. Nangangailangan po ako ng pera… nakita ko yung motor may susi pinaandar ko na lang po. Panggastos po kasi wala po akong trabaho,” ayon sa suspek. 

Nagpaalala naman si Desamito sa mga residente na piliin kung saan magpaparada ng maayos at huwag kalkmutang dalhin ang susi ng sasakyan para maiwasang mabiktima ng masasamang loob. 

Leave a Reply