TV PATROL: Bea Millan-Windorski humataw sa preliminary competition ng Miss Universe 2026
Ginulat ng pambato ng Pilipinas na si Bea Millan-Windorski ang fans sa kanyang pagrampa sa swimsuit at evening gown na bahagi ng preliminary competition ng Miss Universe 2026 sa Puerto Rico.
Karamihan sa fans na nasa venue ay mga latino lalo’t malapit sa kanilang mga bansa ang Puerto Rico, pero hindi nagpatalo ang mga pinoy na todo-suporta kay Bea.
Rumampa si Bea sa swimsuit competition suot ang asul na two-piece swimsuit at see-through na puting kapa.
Ang Filipino designer na si Rian Fernandez ang official swimsuit designer ng 75th Miss Universe preliminary competition.
Sa evening gown competition, agaw-pansin si Bea sa kanyang asul at gintong gown na likha ng Filipino designer na si Anthony Ramirez at inayusan ni Perry Tabora.
Ang gown na tinaguriang “The Golden Seas of Sulu” ay hango sa makulay na kasaysayan at yamang-dagat ng Sulu Sea sa Mindanao.
Nagpapatrol, John Saavedra. TV Patrol, Lunes, 23 Nobyembre 2026.