Thursday, November 26, 2026

Thinking Port

Another port for thinking people…

ABS-CBNNewsPhilippines

Motorcycle taxi rider at angkas sugatan sa hit-and-run sa San Mateo

Sugatan ang isang 41-anyos na motorcycle taxi rider at ang kanyang 23-anyos na babaeng angkas matapos tumilapon nang salpukin at takasan ng isang pulang multi-purpose vehicle sa Barangay Gulod Malaya, San Mateo, Rizal, madaling araw noong Lunes, Nobyembre 23. Courtesy: San Mateo MPS via Christopher Sitson

MAYNILA — Sugatan ang isang 41-anyos na motorcycle taxi rider at ang kanyang 23-anyos na babaeng angkas matapos tumilapon nang salpukin at takasan ng isang pulang multi-purpose vehicle sa Barangay Gulod Malaya, San Mateo, Rizal, madaling araw noong Lunes, Nobyembre 23.

Sa kuha ng CCTV mula sa isang tindahan, rinig ang malakas na pagsalpok ng MPV sa motorsiklo. Sapul din sa iba pang CCTV ang pagharurot ng MPV sa C-6 Bypass Road, pagliko sa Kambal Road, hanggang sa General Luna Road kung saan nakakaladkad pa rin nito ang motorsiklo habang hinahabol ng mga traffic enforcer.

“Pasara na kami ng tindahan tapos may narinig kaming malakas na pagpreno sabay sumalpok. Sumunod na nangyari, narinig namin kinaladkad niya yung motor. Yung angkas niya tumilapon sila nung pagkabangga,” kuwento ng residente.

Ligtas na sa peligro pero iniinda pa rin ngayon ng rider ang pananakit ng balakang, tagiliran, at leeg. Nagtamo naman ng bali sa paa at sa dalawang daliri nito ang kanyang pasahero.

Kuwento ng rider, kinailangan niyang magmenor para matiyak na walang parating na sasakyan bago tumawid sa kabilang bahagi ng highway.

“Sa corner po na yun huminto po kami kasi hindi naman puwede tawirin agad kasi highway ‘yun eh.Nagulat kami sobrang bilis yung bumungga sa amin. Bumulagta, tumalsik po kami. Perwisyo, pati cellphone ko hindi na mabuhay, ‘yung motor nangalahati na,” pahayag ng motorcycle taxi rider na biktima.

Arestado naman ang 44-anyos na driver ng MPV matapos habulin ng mga concerned citizen at traffic enforcer nang mahigit isang kilometro hanggang sa maharang siya ng mga nagpapatrolyang pulis sa Barangay Guitnang Bayan.

Lumalabas sa imbestigasyon ng pulisya na nagmamadali ang driver dahil may hinabol na lakad.

“Kapag tayo po ay nagmamaneho, lubusan po tayong mag-ingat dahil buhay po natin ang nakasalalay dito at buhay po ng ibang tao,” paalala ni Police Corporal Mike Laser Libunao, duty investigator ng San Mateo Municipal Police Station.

Nasa kustodiya ngayon ng San Mateo Police ang suspek—na tumangging magbigay ng pahayag—at nahaharap sa mga reklamong reckless imprudence resulting in physical injuries and damage to property at pag-abandona sa mga biktima.

Nakarating na sa kaalaman ng pamunuan ng Land Transportation Office ang insidente at pinag-aaralan na ang mga posibleng aksyon laban sa suspek.

         

Leave a Reply