TV PATROL: Duterte defense team: Mga pagpatay sa drug war dapat sa korte sa Pilipinas talakayin
Hiniling ng defense team ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court, na ibasura ang argumento ng prosekusyon sa isyu ng crimes against humanity.
Giit ng kampo ni Duterte, ang mga pagpatay na ini-uugnay sa war on drugs, ay dapat litisin sa mga korte sa Pilipinas at hindi sa The Hague.
Sa isinumiteng dokumento na nilagdaan ni Lead Counsel Peter Haynes, sinabi nito na bigo ang mga alegasyon ng prosekusyon, na maabot ang ‘legal threshold’ ng Article 7 ng Rome Statute.
Nakalahad sa naturang probisyon ng Rome Statute ang mga hakbang na saklaw ng krimen laban sa sangkatauhan kabilang ang pagpatay at sistematikong pag-atake laban sa isang sibilyan na populasyon.
Ayon pa sa defense panel, mali anila ang interpretasyon ng prosekusyon sa salitang ‘neutralisation’ na nakasaad sa Command Memorandum Circular No. 16-2016 o mas kilala bilang ‘Project Double Barrel’ na siyang nagbabalangkas ng mga target ng Duterte Drug War.
TV Patrol, Huwebes, 26 November 2026.