Friday, November 27, 2026

Thinking Port

Another port for thinking people…

ABS-CBNNewsPhilippines

2 lalaki na nagnakaw ng bisikleta at kable sa Pasig, huli dahil sa CCTV

Sapul sa CCTV ang magkahiwalay na insidente ng pagnanakaw ng bisikleta at kable ng telecommunications company sa Barangay Dela Paz, Pasig City.

Sa kuha ng CCTV kitang palakad-lakad ang isang lalaki sa F. Mariano Avenue nitong Linggo ng hapon, Nobyembre 22.

Ang lalaki, isa pa lang kawatan na humahanap ng puwedeng manakaw.

Nang makarating sa isang bahay, huminto ito at sandaling nagmasid hanggang tuluyang pumasok at tinangay ang isang bisikleta.

Tumakas ang suspek patungong Barangay Santolan kung saan siya tuluyang nadakip ng mga tanod sa tulong ng CCTV backtracking.

Nabawi ang ninakaw niyang bisikleta na nagkakahalaga ng P7,500.

“Trip lang niya kuhanin, nakursunadahan niya lang. Ayon sa kabilang barangay talamak na nagnanakaw talaga,” ani Jay Santiago na Kagawad ng Barangay Dela Paz.

Ilang araw bago ang pagnanakaw sa bike, nasapul din sa CCTV ng Barangay Dela Paz ang isang lalaki na tumangay naman ng kable ng telecommunications company sa isang subdivision.

Mabilis nitong isinilid sa bag ang naputol na kable pero ilang saglit lang ay naharang siya ng mga tanod dahil napapanood na pala siya sa command center ng barangay.

“Andyan ung mga CCTV operator natin, na-monitor siya. Mayroon siyang cutter tapos kinuha niya lang yung wire. Talagang nagnanakaw sila para pantawid-gutom,” ani Santiago.

Napag-alamang taga-Marikina ang nahuling suspek na balak ibenta ang ninakaw na kable.

“Makakasuhan din sila kapag bumili sila ng nakaw. Kaya sa mga junkshop, wag kayong bumili basta-basta ng mga bagay na hindi kayo sigurado kung talagang sakanila yung item,” dagdag ni Santiago.

“Ang CCTV solves all, if not all, almost all. Marami kaming crime na na-solve dahil dito. Magpapasko na, maging mapag-matyag tayo, kung may kahina-hinalang mga tao, i-report niyo sa aming hotline at agad-agad pupuntahan po ng aming mga tanod,” sabi ni Dietmar “Akaw” Romualdez, na punong barangay ng Barangay Dela Paz.

Pinaigting pa ng barangay ang seguridad sa lugar at nagdagdag ng tauhang naka-monitor sa kanilang mga CCTV.

Leave a Reply