Lalaki pinatay ng kapatid, katawan isinilid sa maleta
MAYNILA — Arestado ang isang 18-anyos na lalaki matapos umanong patayin at pagputul-putulin ang katawan ng kanyang nakatatandang kapatid sa Barangay Sinunuc, Zamboanga City.
Ayon sa pulisya, nai-report sa kanila ang insidente noong Setyembre 12 matapos ipaalam ng isang kapitbahay ang karumal-dumal na insidente.
“When we went there, nadatnan po natin, nakakalunos na chop-chop na katawan ng isang 27-year-old,” sabi ni PCol. Allen Rae Co, hepe ng PNP Public Information Office.
Agad namang umamin ang suspek at sinabing nangyari ang krimen noong Setyembre 10.
Sinubukan pa umano niyang itago ang katawan ng biktima sa isang maleta at isang ice chest.
Narekober din sa lugar ang isang itak, lagaring bakal at martilyo na sinasabing ginamit sa pamamaslang.
“He was overcome with guilt after a day kaya siya na rin po ang nagpasabi na tumawag na ng police. And then he peacefully surrendered nung dumating po ang ating kapulisan,” sabi ni Co.
Batay sa imbestigasyon, personal na alitan ang nakikitang motibo sa krimen.
Ayon sa suspek, siya umano ang pangunahing sumusuporta sa kanilang pamilya, kasama ang kanilang ina na may sakit.
Wala umanong trabaho ang biktima at sa halip na makatulong sa gastusin, nagawa pa umano nito siyang pagnakawan.
“Tinitingnan pa po natin lahat kasi please understand that all the information that we are getting right now ay galing pa lang po doon sa suspek mismo. So, we will validate everything,” giit ni Co.
Sinampahan na ng reklamong murder ang suspek.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya para matukoy ang buong pangyayari.