Saturday, November 14, 2026

Thinking Port

Another port for thinking people…

ABS-CBNNewsPhilippines

2 suspek kalaboso sa pagbebenta ng pekeng ID sa Maynila

MAYNILA — Arestado ang dalawang babae dahil sa umano’y pagbebenta ng mga pekeng identification card sa Rizal Avenue sa Maynila.

Ayon sa Manila Police District, ilang araw minanmanan ng mga tauhan ng Special Operations Unit ang mga suspek bago isinagawa ang entrapment operation nitong Martes ng hapon, Setyembre 22.

Nabisto umano ang mga suspek matapos makipagtransaksiyon sa isang police asset na nagpanggap na kostumer.

Ayon kay PMAJ. Philipp Ines, tagapagsalita ng MPD, P500 umano ang nakukuha ng mga suspek sa bawat transaksiyon.

“Nakakalungkot dito na ginagamit itong mga PWD ID na ito para doon sa nagsasamantala nating kababayan. Ang PWD ID na ito ay para doon sa nga deserving na meron talagang kapansanan,” saad ni Ines.

Aminado ang dalawang suspek sa kanilang ilegal na gawain. Ayon sa kanila, humigit-kumulang isang oras lamang ang hinihintay ng nagpapagawa bago makuha ang pekeng ID.

“Para lang sa pamilya kaya ginawa namin ‘yon. Nagtatanggap po kami ng mga pekeng dokumento para magkapera lang po kami. Nakakauwi po kami ng 500 o 600 po. Runner po ang nagdadala po… Lahat ng ID po, UMID, Postal, TIN,” saad ng 50-anyos na suspek.

Dagdag niya, taga-benta lamang sila at ibang tao umano ang gumagawa ng mga pekeng dokumento.

Samantala, sinabi ng isa pang suspek na ilang taon na siyang nasa ganitong gawain dahil wala umano siyang ibang alam na trabaho.

“Araw-araw na pangangailangan. Para makaraos lang po. Wala rin naman akong kasama na sa buhay. Ako na lang po. May mga gamot pa po ako,” saad naman ng 51-anyos na suspek na isa ring person with disability.

Mahaharap ang dalawang suspek sa kasong falsification of public documents.

Paalala ng mga awtoridad, hindi lamang ang mga gumagawa at nagbebenta ng pekeng ID ang maaaring managot sa batas, kundi maging ang mga gumagamit o tumatangkilik sa mga pekeng dokumento.

RELATED VIDEO: