FACT CHECK: Hindi totoong aarestuhin ng AFP ang magkapatid na Tulfo
.png)
Taliwas sa sinasabi sa isang Facebook post, hindi totoong “handa[ng] arestuhin” ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang magkapatid na senador na sina Raffy at Erwin Tulfo kung sakaling maglabas ng warrant of arrest ang Korte Suprema.
Ibinahagi ang Facebook post noong September 27, 2026. Ngayong October 8, nakapagtamo na ang post ng 5.5K reactions at naibahagi na nang 621 beses.
Una, hindi pangunahing mandato ng AFP ang magpatupad ng batas at magsagawa ng mga pag-aresto, alinsunod sa Sec. 24 ng Republic Act No. 6975 o Department of the Interior and Local Government Act of 1990.
Maaari lamang magsagawa ng pag-aresto ang AFP sa mga tiyak na pagkakataon, tulad kapag lumabag ang isang miyembro nito sa military law sa ilalim ng Commonwealth Act No. 408 o Articles of War.
Pinabulaanan din ng AFP ang sinasabi sa Facebook post.
“The AFP does not dignify unverified and unvalidated claims circulating on social media,” saad ni AFP spokesperson Col. Francel Margareth Padilla sa isang pahayag na ipinadala niya sa ABS-CBN Fact Check.
Pangalawa, appellate court ang Korte Suprema na ang ibig sabihin ay tagasuri sila ng mga desisyon ng mas mababang korte pagdating sa mga kasong kriminal. Batay sa batas, karaniwang inilalabas ng kaukulang hukom ng mas mababang korte ang arrest warrant para sa mga kasong kriminal na naisampa sa kanilang hurisdiksyon.
Sa listahan ng mga kasong kasalakuyang nakahain sa Korte Suprema, mayroong isang petition for certiorari kung saan nakapangalan ang dalawang Tulfo bilang respondent. Ang petition for certiorari ay isang special civil action kung kaya’t hindi naglalabas ng arrest warrant kaugnay nito.
Kinumpirma naman ni Supreme Court spokesperson Atty. Camille Sue Mae Ting na walang anumang kasong kriminal laban sa magkapatid na Tulfo ang nakabinbin sa Korte Suprema.
Samantala, hinikayat ni Padilla ang publiko na maging mapanuri at kumuha lamang ng impormasyon mula sa mga opisyal at mapagkakatiwalaang sanggunian. – with research from Christopher Bauso and Zoie Austria