Higit 1,000 pamilya nawalan ng tirahan sa malaking sunog sa Davao City
Higit 1,000 pamilya nawalan ng tirahan sa malaking sunog sa Davao City. Larawan mula kay JT MotovlogDAVAO — Sumiklab ang malaking apoy sa isang residential area sa Bgy. Leon Garcia, Agdao, Davao City, na nagsimula bandang alas-5 ng hapon nitong Huwebes, Oktubre 15.
Nagkumahog sa paglikas ang mga residente sa lumalaking apoy.
Bagama’t bumuhos ang malakas na ulan, hirap pa ring maapula ang sunog dahil sa halos magkakadikit na mga bahay.
Ayon kay Fire Senior Inspector Frances Marie Sendrijas, tagapagsalita ng Davao City Fire District (DCFD), malakas din umano ang hangin na nagpalala ng sunog.
“Nag-declare kami ng Task Force Alpha. When we say Task Force Alpha, malaki na talaga ang sunog. Dito sa Davao City na setting, it already involved 14 stations with 15 firetrucks, that from the BFP alone. Hindi pa po kasama diyan ang volunteers,” ani Sendrijas.
Umabot sa walong oras bago tuluyang naapula ng mga bumbero ang apoy at mahigit 1,000 na pamilya ang apektado ng sunog.
Inaalam pa ng Bureau of Fire Protection ang sanhi ng sunog habang nag-abot na ng paunang tulong ang lokal na pamahalaan sa mga nasunugan.