14-anyos at kasabwat huli sa panghoholdap ng negosyante sa Mandaluyong
Arestado ang dalawang lalaki matapos mangholdap sa isang 43-anyos na negosyanteng katatapos lang mag-withdraw sa isang ATM sa Shaw Boulevard, Barangay Daang Bakal, Mandaluyong City noong Biyernes, Oktubre 16. Courtesy: Mandaluyong CPS via Christopher SitsonMAYNILA — Arestado ang dalawang lalaki matapos mangholdap sa isang 43-anyos na negosyanteng katatapos lang mag-withdraw sa isang ATM sa Shaw Boulevard, Barangay Daang Bakal, Mandaluyong City noong Biyernes, Oktubre 16.Naaresto ang mga suspek na kinabibilangan ng isang 23-anyos na nagmaneho ng motorsiklo at isang 14-anyos na nanutok ng patalim matapos silang makorner ng mga nakatagong pulis habang hinahabol ang tumatakbong biktima.
“Kasi itong mga suspects ay dayo galing Maynila. Hindi nila alam pagliko naroon na yung ating mga kapulisan so nagkabulagaan. Nakorner sila ng ating kapulisan,” pahayag ni Col. Rey Ochavo, officer-in-charge ng Mandaluyong City Police Station.
Ayon sa salaysay ng biktima, naglalakad siya matapos mag-withdraw nang sundan ng mga nakamotorsiklong suspek at biglang lapitan ng angkas nito.
“Nagsalita agad siya ng ‘holdap’ na may hawak na matulis na bagay. Yugn bag ko hinawakan ko nang mabuti tapos nilapitan niya ko, nakuha niya. Tapos bigla akong takbo. Hindi ko alam na hindi pa pala tapos,” sabi ng biktima.
Hinabol pa ng mga suspek ang biktima upang agawin pati ang hawak nitong cellphone, ngunit mabilis na tumakbo ang biktima patungo sa kinaroroonan ng mga nagpapatrol na awtoridad.
“Mula nung tumatakbo ako alam ko na po yung gagawin ko dahil sa dami po mg pulis dito sa Mandaluyong at ito naman po ay masisipag at matitiyaga, agad nilang inaksyunan,” dagdag ng biktima.
Nabawi sa mga suspek ang tinangay na bag na naglalaman ng dalawang cellphone at P5,000 cash, pati na ang motorsiklo at ice pick na ginamit sa krimen.
Kasalukuyang nakakulong sa Mandaluyong Police custodial facility ang 23-anyos na suspek na nahaharap sa reklamong robbery at tumangging magbigay ng pahayag.
Samantala, nasa kustodiya na ng Mandaluyong City Social Welfare and Development Office ang 14-anyos na Children in Conflict with the Law (CICL) para sa kaukulang counseling at discernment assessment.
“Pag may krimen tawag agad sa aming binigay na hotlines para ang inyong Mandaluyong Police ay makaresponde. Pag mayroon kayong nakikitang kahina-hinala sa paligid, itawag nyo agad para maalerto yung ating kapulisan,” paalala ni Ochavo.