Lalaki sa viral video sa QC, toy gun lang ang bitbit na ‘baril’ — PNP
Nag-viral at nagdulot ng pangamba sa mga netizen ang isang dashcam video kung saan makikita ang isang lalaking tumawid at tumayo sa gitna ng kalsada habang tila may hawak na mahabang baril sa bahagi ng IBP Road, Barangay Batasan Hills, Quezon City noong Sabado ng hapon, Oktubre 17.
Napanood ng pulisya ang video at agad na kumilos at natunton ang lalaki sa isang basketball court sa parehong barangay nitong Linggo ng hapon, kung saan hawak pa rin nito ang nasabing baril.
Sa kanilang pag-iimbestiga, napag-alaman na hindi tunay na armas ang dala ng lalaki.
“Ang baril po na kanyang hawak noong nakita ng isang citizens natin ay replika at toy gun lamang po,” ani PLt. Col. Gemmer Tubiera, station commander ng Batasan Police Station 6.
“Nang siya po ay aming kausapin ay lumalabas po na wala siya sa tamang pag-iisip,” dagdag pa ng opisyal.
Kaagad na ikinostudiya ng pulisya ang lalaki at ang dala nitong gun replica habang nakikipag-ugnayan na sa pamahalaang barangay para sa kaukulang medical at psychological support.
Sa isang opisyal na pahayag, tiniyak ng Batasan Police Station 6 sa publiko na nananatiling pangunahing prayoridad nito ang kaligtasan ng komunidad at ang paggalang sa karapatang pantao, lalo na sa paghawak sa mga indibidwal na nasa maseselang sitwasyon.
Pinaalalahanan din nito ang publiko na iwasan ang pagpapakalat ng hindi beripikadong impormasyon at agad na ireport ang mga katulad na insidente sa 911 o 122.