Saturday, November 7, 2026

Thinking Port

Another port for thinking people…

ABS-CBNNewsPhilippines

Misis tiklo sa pagbebenta ng higit P365K shabu sa QC

Arestado ang isang 42-anyos na babae matapos mahulihan ng higit P300,000 halaga ng shabu sa buy-bust operation sa Barangay Commonwealth, Quezon City noong Biyernes ng gabi, Oktubre 16.

Isinagawa ang operasyon matapos makatanggap ang mga awtoridad ng impormasyon ukol sa isang bahay na ginagamit umanong drug den at bentahan ng ilegal na droga.

“Doon bibili, tapos ay pinapayagan niyang doon na rin gamitin ‘yung pinagbawal na gamot,” pahayag ni PLt. Col. Gemmer Tubiera, Batasan Police Station commander.

Ayon pa sa pulisya, malawak ang saklaw ng transaksyon ng suspek na umaabot sa iba pang karatig-lugar.

“Basta sa aming imbestigasyon, ang operasyon nila ay umaabot hanggang Holy Spirit, Culiat, at Commonwealth,” dagdag ni Tubiera.

Nakuha sa suspek ang higit 53 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P365,772, isang cellphone, at buy-bust money.

Lumabas din sa imbestigasyon na dati nang naaresto ng pulisya ang asawa ng suspek dahil din sa kasong may kinalaman sa ilegal na droga.

“Yung kanyang asawa ay dati na naming nahuli sa pinagbabawal din na gamot. Kaya maaaring naipasa niya sa kanyang asawa yung ganong negosyo. Dahil ang nahuli natin dito yung babae,” paliwanag ni Tubiera.

Itinanggi naman ng suspek ang mga paratang sa kaniya.

“Hindi po ako. ‘Yung asawa ko po pero konti lang naman po ang ano niya binebenta… hindi po [nagagamit ang bahay na drug den] andoon po yung mga anak ko,” aniya.

Kasalukuyan nang nakakulong ang suspek sa custodial facility unit ng Batasan Police Station at nahaharap sa reklamong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.