3 bata na sangkot sa riot sa Quiapo, na-rescue ng pulisya
Nasagip ng mga pulis ang tatlong menor de edad na sangkot sa isang riot sa Quezon Boulevard, Quiapo, Maynila, Miyerkules ng madaling araw.
Ayon kay Police Major Philipp Ines, tagapagsalita ng Manila Police District, dalawang grupo ng kabataan ang nag-riot sa gitna ng kalsada. Agad nakarating ang mga tauhan nilang rumoronda sa lugar at nasagip ang tatlong lalaki. Dalawa sa kanila ay edad 16 at 17 taong gulang.
“May nangyaring riot ng mga bata, mabilis yung responde ng mga pulis natin narescue natin yung tatlong menor de edad dyan. Ang edad ay 16-17 years old. Wala namang nasirang mga property. Nagkaroon sila doon ng komosyon,” sabi ni Ines.
Agad na inilipat sa pangangalaga ng Reception Action Center ng Maynila ang mga bata.
Paalala ng pulisya, bagaman walang pananagutang kriminal ang mga batang sangkot sa ganitong insidente, maari pa ring pagmultahin o panagutin ang kanilang mga magulang.
“Meron po tayong ordinansa sa Maynila, ito po yung City Ordinance 8243. Iyung mga menor de edad na naiinvolve sa iba’t ibang insidente tulad nito ang mananagot ay ang kanilang magulang,” sabi ni Ines.
“Kapag ang edad ng bata ay mas mababa 12 years old below, mas malaki penalty nito may kulong at multa. Ang edad 16-17 maaring fine na 2000 pesos at may imprisonment na one month [para sa mga magulang],” dagdag niya.