MWSS naghahanda sa epekto ng Super El Niño
MAYNILA — Ibinahagi ni Engr. Patrick James Dizon, department manager ng Water and Sewerage Management Department ng MWSS, na kabilang sa mga hakbang sa paparating na El Niño ang pagpapanatili ng sapat na lebel ng tubig sa Angat Dam at pagpapalawak ng mga alternatibong pagkukuhanan ng tubig.
“This is the first in history na ma-experience po natin ‘yung very strong El Niño,” ani Dizon sa panayam ng DZMM.
“Talagang pinaghahandaan natin ‘yung epekto ng El Niño next year,” dagdag niya.
Binabawasan din umano ng MWSS ang pressure ng tubig sa mga konsumer tuwing gabi upang makatulong na makatipid sa suplay.
“Sa gabi ay pinababawasan po natin yung pressure po sa ating mga customer para lamang po ma-conserve po natin yung tubig,” ani Dizon.
Tiniyak naman ni Dizon na may mga alternatibong pagkukunan ng tubig ang Metro Manila upang makatulong na matugunan ang pangangailangan ng mga konsumer sakaling mabawasan ang suplay mula sa Angat Dam.
“Meron na po tayong mga alternatibong pinagkukuhanan maliban sa Angat Dam,” saad ni Dizon.