‘Hulugan pa lang po’: Motorsiklo tinangay ng 3 armadong lalaki sa Antipolo
Pinaghahanap ng awtoridad ang tatlong armadong lalaki na nasapul sa CCTV na tumangay sa isang nakaparadang motorsiklo sa Phase 4, Sitio Tanza 1, Barangay San Jose, Antipolo, Rizal noong Miyerkules, Oktubre 28, 2026. Contributed via Christopher SitsonMAYNILA — Pinaghahanap ng awtoridad ang tatlong armadong lalaki na nasapul sa CCTV na tumangay sa isang nakaparadang motorsiklo sa Phase 4, Sitio Tanza 1, Barangay San Jose, Antipolo, Rizal noong Miyerkules, Oktubre 28, 2026.
Sa kuha ng CCTV mag-a-ala una ng madaling araw makikita ang pagsulpot ng tatlong lalaki na sakay ng dalawang motorsiklo sa isang tindahan.
Nagpaikot-ikot ang dalawang motorsiklo sa lugar na nagtanong pa sa mga tambay.
“May tinanong samin kung may kakilala raw ba kaming JV. Ang tagal ko na sa lugar na ito sir wala kaming kilalang JV,” sabi ni alyas Dexter na isa sa mga tambay noon sa lugar.
Umalis din ang mga ito pero laking gulat ng mga tambay dahil makalipas lang ang ilang minuto ay muling bumalik ang tatlong suspek na nag-iba na ang tono ng boses.
“Sabi nila, ano hindi pa kayo papasok? Pumasok na kayo. Pasok! Tapos iwinasiwas yung baril na parang binubugaw kami. Binantayan kami para hindi lumabas. Takot kami. Lahat sila may hawak na baril,” dagdag pa ni alyas Dexter.
Dumiretso sa isang nakaparadang motorsiklo ang isa sa mga suspek habang ang dalawa ay nagsilbing lookout.
Saglit na binutinting ng isa ang motor na mabilis niyang napaandar.
Sabay-sabay na tumakas ang tatlo na may kanya-kanya nang minamanehong motorsiklo.
Umaga na noong mapag-alaman ng 35-anyos na biktimang truck driver na tinangay na ang kanyang motorsiklo na P180,000 ang halaga.
“Hulugan pa lang po, mag-6 months pa lang po. Service ko sa trabaho. Importante po sa akin. Ano lang sana, laban nang patas. Hindi rin biro yung pinanggagalingan ng hulog ko roon. Pinagtatrabahuan ko yun. Sana sila rin,” sabi ng biktima.
Ayon sa barangay posibleng dumayo lang sa kanilang lugar ang mga suspek dahil ito umano ang unang beses na may naitalang nakawan ng motor doon.
“Napakabilis po talaga nakuha yung motor. Walang 10 seconds napaandar yung motor. Sanay na sanay talaga sila. Posibleng nagmaman bago kinuha yung motor. Mahuhuli rin kayo ng kapulisan dahil naka-alarma na kayo. Kaya hanggat may oras pa sumuko na kayo,” pahayag ni Cornelio Jocosol na Sitio Coordinator ng Sitio Tanza 1.
Pinaigting na ng barangay ang seguridad sa lugar habang patuloy ang CCTV backtracking at follow-up operation ng Antipolo Component City Police Station para mahuli ang mga suspek na mahaharap sa kasong paglabag sa New Anti-Carnapping Act.