Saturday, October 31, 2026

Thinking Port

Another port for thinking people…

ABS-CBNNewsPhilippines

Senior citizen natangayan ng halos 500k ng ‘dugo-dugo’ gang sa Sta. Mesa

Nakuhanan pa ng CCTV ang rider na nag-pick up sa naipong pera at alahas ng lola mag-aalas dose ng tanghali sa bahagi ng Ditas Street. Courtesy: Bgy. 598 via Bea Cuadra, ABS-CBN News

MAYNILA  — Isang 73 anyos na lola ang natangayan ng halos P500,000 halaga ng pera at alahas sa Barangay 598, Sta. Mesa, Maynila noong Martes ng tanghali, October 27.

Ayon kay Paulito Linis, Chairman ng Brgy. 598, nabiktima ng tinatawag na dugo-dugo gang ang lola.

Sa salaysay ng biktima sa barangay, nakatanggap  siya ng tawag sa landline mula sa isang babae na nagsabing nasangkot sa aksidente ang kanyang anak na babae na nagmamaneho ng e-trike.

“Ang sabi daw nung tumawag yung daw anak niya na kaaalis lang, nakabanga, ng 18 years old, patay. So, to compensate yung bata, kailangan magbayad ng halaga, alahas, yung gano’ng halaga. So, binuo ng mother, tapos sinabi niya, huwag ipagsabi sa iba,” kwento ng kapitan.

Nakuhanan pa ng CCTV ang rider na nag-pick up sa naipong pera at alahas ng lola mag-aalas dose ng tanghali sa bahagi ng Ditas Street.

Naka-helmet at mask ang rider na pumarada sa harap mismo ng tindahan ng bitkima.

Maya-maya pa makikita na lumabas ang biktima at may inabot sa rider. 

Ilang saglit pa bumaba  ang rider at inilagay sa top box ng motor ang inabot ng lola.

Nagtagal pa nang mag-iisang minuto ang rider na tila may tinawagan pa sa telepono bago ito umalis.

Nahagip din sa CCTV na lumabas ito sa Damka Valenzuela St.

Ayon kay Linis, nahimasmasan lang ang biktima nang maiabot na ang  pera at alahas.

Nakumpirma din ng lola na nabiktima siya nang dumating ang kanyang anak na sinasabing naaksidente sakay ng minamaneho nitong e-trike.

Nasa P100,000 cash at halos P400,000 halaga ng mga alahas ang natangay sa lola.

Ayon sa barangay, palaisipan pa sa biktima kung paano nakuha ng mga salarin ang landline number nila lalo’t bagong install lamang ang kanilang linya ng telepono.

Tumanggi namang magbigay ng pahayag ang PNP habang nagpapatuloy ang kanilang imbestigasyon at paghahanap sa suspek. 

KAUGNAY NA VIDEO

Leave a Reply