TV PATROL: Working student na pinatay sa San Jose, Batangas inilibing na
Inilibing na ang working student na pinaslang sa San Jose, Batangas noong Oktubre. Kumbinsido ang ina ng biktima na ang prominenteng tao na itinuturo ng testigo ang siyang nag-utos para patayin ang kanyang anak.
Daan-daan ang mga dumalo at nakidalamhati sa libing ng pinaslang na working student at singer na si Charles Usi. Sama-sama silang nanawagan ng katarungan.
Idinaan ang labi ni Usi sa simbahan para sa huling misa at pagbendisyon bago dinala ang kaniyang mga labi sa public cemetery.
Sa huling sulyap sa kaniyang mga labi, bumuhos ang luha ng kaniyang pamilya at mga nagmamahal na mga kaibigan. Hanggang ngayon ay hindi pa rin sila makapaniwala sa sinapit ni Usi na tinambangan ng riding in tandem noong October 25, 2026.
Kumbinsido naman ang ina ng biktima na si Wilma sa naging pahayag ng testigo na nagdidiin sa isang prominenteng personalidad sa batangas bilang utak sa pagpaslang.