TV PATROL: ₱1.3B halaga ng shabu shipment mula Laos nasabat ng awtoridad
Aabot sa ₱1.3-billion na halaga ng shabu shipment ang nasabat ng mga awtoridad sa Manila International Container Port sa North Harbor sa Maynila.
Ayon sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), ang naturang ilegal na droga ay nagmula sa Laos.
Dumaan pa ito sa Vietnam at Hong Kong, bago makarating sa Pilipinas.
Idineklara ang shipment na naglalaman ng mga karton pero binutasan ito at pinagtaguan ng droga.
Positibo sa methamphetamine hydrochloride ang droga sa ginawang pagsusuri ng PDEA.
Tukoy na rin ng PDEA ang address ng consignee sa Imus, Cavite.
Ayon kay Interior Secretary Jonvic Remulla, nagmula sa Vietnam ang impormasyon na nag-alerto sa mga awtoridad bago pa man dumating sa bansa ang kontrabando.
Noong nakaraang buwan, nasabat sa Laos ang higit limandaang kilo ng hinihinalang shabu sa isang private chartered aircraft na umano’y papunta rin sa Pilipinas.
Iniimbestigahan pa ng mga awtoridad kung may kaugnayan ang magkahiwalay na insidente.