25 istruktura, natupok sa Tondo; 60 pamilya, apektado
MAYNILA — Tinatayang 25 istruktura ang natupok habang nasa 60 pamilya o 180 indibidwal ang nawalan ng tahanan sa malaking sunog na sumiklab sa isang residential area sa Barangay 91, Tondo, Maynila, madaling-araw ng Sabado, Nobyembre 7.
Sa datos ng Bureau of Fire Protection (BFP), unang naiulat ang sunog bandang 3:24 ng madaling-araw. Agad itong umabot sa ikatlong alarma bago idineklarang fire under control bandang 4:57 ng umaga at tuluyang idineklarang fire out alas-6:09 ng umaga.
Sa kabila nito, ligtas ang mga residente sa sunog.
“As of now, wala po tayong reported injury saka casualty,” saad ni Fire Senior Inspector Ronald Lim, commander ng BFP Manila Station 1.
Naging hamon umano sa mga rumespondeng bumbero ang paglalatag ng mahahabang fire hose dahil sa layo ng pinagmulan ng apoy, bukod pa sa epekto ng hangin mula sa kalapit na ilog.
“Challenge din sa amin yung kailangan mahaba yung linyang ibababa. Mga kinse piraso pero nagawan ng paraan,” ani Lim.
“Iyan pong ilog na iyan, malaking factor po yan kung bakit kumalat [nang] mabilis yung apoy natin. … Yung mga residente kasama sa pagtulong. Hindi po sila naging balakid sa amin. Tumulong po sila,” dagdag pa niya.
Inaalam pa ng BFP ang opisyal na sanhi ng sunog at ang kabuuang halaga ng pinsala, kabilang ang ulat na posibleng nagsimula ito sa naiwang pinaglutuan.
“Under investigation pa po tayo. Magcocoduct pa po tayo ng overhauling,” ayon kay Lim.
Sunog sa Tondo, Nobyembre 7, 2026. Retrato mula kay FSINSP Ronald Lim, BFP ManilaDahil sa mabilis na pagkalat ng apoy, lumikas ang ilang residente patungo sa kalapit na Barangay 93, habang ang iba naman ay naglabas ng kanilang mga gamit sa Capulong Bridge.Isa sa mga nasunugan ang pamilya ng 76-taong gulang na si Jesus Afadle, na nagising sa sigawan ng mga kapitbahay.
“Natutulog kaming mag-asawa tsaka yung mga apo ko tsaka mga anak ko. Nagising ako dahil diyan, may nagsisisigaw,” kuwento ni Afadle.
Nakita na lamang umano niya na naglalagablab na ang katabi nilang bahay.
“Lumabas ako, nakita ko may maliwanag na sa loob ng bahay nila. Ang balita ko, sabi lang nila, na nagluluto raw, iniwan. Parang kalan, yung super kalan,” aniya.
Bagama’t hindi direktang nadamay ang kaniyang bahay ngayon, muli namang nakaranas ng matinding pangamba ang residenteng si Gloria Gregorio dahil nasunugan na ang kaniyang pamilya noong nakaraang taon at hindi pa nakakabangon sa mga pinagkakautangan.
“Nanlalambot na kami kasi last year, November 17, nasunugan din kami. Kami mismo yung nasunugan. Naging aware [kami] kaya lang talaga nakakapanglambot na hindi mo din alam kung ano gagawin mo,” pahayag ni Gregorio.
“Hindi pa kami nakaka-survive sa pinapagawa naming bahay puro kami utang [tapos] ito na naman. Panibago na naman ba?” aniya.
Inihahanda na ng mga awtoridad at ng lokal na pamahalaan ang kaukulang tulong para sa mga pamilyang naapektuhan ng insidente, habang patuloy pang inaalam ang kabuuang halaga ng napinsalang ari-arian.