Ama arestado sa pagtapon umano ng patay na sanggol
MAYNILA — Inaresto ng Quezon City Police District (QCPD) ang lalaking umaming nagtapon sa bangkay ng isang sanggol na babae sa tabi ng Regalado Highway sa Barangay North Fairview, Quezon City, nitong Undas.
Ama mismo ng sanggol ang suspek na nagsabing hindi niya alam na buntis ang kaniyang dating nobya at wala na umanong buhay ang kanilang anak nang isilang ito.
Batay sa CCTV footage na nakuha ng QCPD Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU), pasado alas-dose ng tanghali noong Nobyembre 1 nang huminto ang isang rider na nakasuot ng uniporme ng motorcycle taxi company sa tabi ng highway.
Makikita sa video ang pagbaba nito at pag-iwan ng isang berdeng bag sa tambak ng basura bago mabilis na umalis.
Bandang alas-tres ng hapon nang madiskubre ng mga basurero ang bag at tumambad sa kanila ang wala nang buhay na sanggol na babae.
Agad itong ini-report sa pulisya na nagsagawa ng hot pursuit operation at backtracking at forward tracking sa mga CCTV footage upang matukoy ang responsable sa insidente.
Ayon kay PLt. Jamaica Juaton, chief investigator ng QCPD CIDU, agad nilang natukoy na person of interest ang rider at tinunton ang tirahan nito bago isinailalim sa surveillance.
Makalipas ang isang linggo, madaling araw nitong Lunes, Nobyembre 9, kusang sumuko ang suspek sa isang barangay kagawad matapos umano niyang malaman na tinutugis na siya ng mga pulis.
Ayon kay Barangay Kagawad Ben Busi, lumapit sa kaniya ang suspek at umiiyak na ikinuwento ang nangyari bago sila nagkasundo na sumuko na ito sa mga awtoridad.
Sa imbestigasyon, inamin ng suspek sa extrajudicial confession na ginawa sa presensya ng kaniyang abogado na siya ang lalaking nakuhanan ng CCTV na nagtapon sa sanggol.
Kinumpirma rin ng pulisya na ama mismo siya ng bata.
Ayon sa suspek, pangatlong anak na sana nila ito ng kaniyang dating nobya.
Hindi umano niya alam na buntis ang babae hanggang sa makaranas ito ng pananakit ng tiyan madaling araw noong Nobyembre 1 at mailuwal ang sanggol na wala nang buhay.
Nagkasundo umano silang ilibing ang bata sa sementeryo sa Bagbag, ngunit sa halip na dalhin doon ay itinapon niya ito sa tabi ng Regalado Highway.
“Sa sobrang gulo na po ng utak ko kasi paglabas niya po wala na ring buhay. Una naming naisip ilibing talaga sa Bagbag eh. Bale nagdesisyon na lang din ako kasi may nakita po akong basuran sa Regalado Highway. Doon ko na lang po siya nalapag. Wala na po akong ibang maisip eh,” ayon sa suspek.
Hindi rin umano alam ng kaniyang dating nobya na hindi nakarating sa sementeryo ang kanilang anak at hanggang ngayon ay naniniwala itong nailibing na ang sanggol sa Bagbag.
Ayon sa QCPD CIDU, lumabas sa resulta ng autopsy na stillbirth o ipinanganak nang wala nang buhay ang sanggol.
Ipinahayag naman ng suspek ang matinding pagsisisi sa kaniyang ginawa at sinabing sana ay mas maaga niyang nalaman ang tungkol sa pagbubuntis.
Nasa kustodiya na ng QCPD ang suspek at mahaharap sa kasong paglabag sa Presidential Decree No. 856 o Sanitation Code of the Philippines.