Monday, November 9, 2026

Thinking Port

Another port for thinking people…

ABS-CBNNewsPhilippines

Babae patay matapos tamaan sa ulo ng inihagis na bakal sa Quezon City; suspek arestado

MAYNILA — Patay ang isang babae matapos tamaan sa ulo ng inihagis na bakal mula sa isang construction site sa Barangay Balingasa, Quezon City nitong Linggo.

Kinilala ang biktima na si Analyn Suganob, na dead on arrival sa ospital dahil sa tinamong matinding pinsala sa ulo.

Ayon sa Quezon City Police District (QCPD), una nilang natanggap ang ulat na aksidenteng nahulugan lamang ng bakal ang biktima. Pero sa isinagawang imbestigasyon, napag-alamang may naghagis nito mula sa isang ginagawang establisimyento sa Creekside Riverview Market.

“Yung unang report po sa atin, sir, ay nahulugan lang ng metal object sa ulo yung babae po. Upon investigation, nalaman po natin, sir, na ito ay hindi lang ordinaryong aksidente lang nangyari, kundi may nagtapon nung bakal doon sa ibaba,” ani PLT Jamaica Juaton, chief investigator ng QCPD Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU).

Ayon sa mister ng biktima na si Mario Cronico, kukunin lamang sana ng kanyang asawa ang nilulutong pagkain nang mangyari ang insidente.

Nakita umano niya mismo ang paglipad ng bakal bago tumama sa ulo ng kanyang asawa.

Sinubukan pa niyang komprontahin ang suspek at nakita niyang naghagis pa ito muli ng bakal. Ngunit dahil sa bakod sa ibabaw ng pader, hindi niya ito agad narating.

Tumakbo umano ang suspek nang makitang nakahandusay na ang biktima.

Hinatid sa ospital si Suganob ngunit hindi na ito naisalba.

Naabutan naman ang suspek matapos habulin at masukol ng isang concerned citizen, bago tuluyang itinurnover sa pulisya.

Aminado ang suspek sa nangyari at humingi ng tawad sa pamilya ng biktima. Iginiit niyang hindi niya sinasadya ang insidente.

“Patawad po kung gano’n man yung nangyari, pero hindi ko po ginusto yun. Aksidente po yung pangyayari,” pahayag ng suspek.

Sa kabila nito, nananawagan ng hustisya ang mister ng biktima, na aniya’y nag-iwan ng mga mahal sa buhay ang kanyang asawa.

“Buhay ang kinuha niya sa akin. May mga inulila siya eh. Ang tagal-tagal ko, napakabait pa naman po ng asawa ko. Napakabait na babae ang asawa ko, sir. Sobrang mahal namin ang asawa ko, sir. Sana po mabigyan niyo ng hustisya ’to, sir,” ani Cronico.

Nasa kustodiya na ng QCPD-CIDU ang suspek na dati na ring nasangkot sa kasong pagnanakaw.

Mahaharap siya ngayon sa kasong homicide. 

RELATED VIDEO:

Leave a Reply