Magkatabing bangkay ng mag-ama nadiskubre sa banyo sa Cavite
Nadiskubre ng mga awtoridad at kaanak ang magkatabing bangkay ng mag-ama sa banyo ng inuupahan nilang apartment unit sa Barangay Delas Alas, General Mariano Alvarez, Cavite nitong Linggo ng hapon, Nobyembre 8. Courtesy: GMA MPS via Christopher SitsonMAYNILA — Nadiskubre ng mga awtoridad at kaanak ang magkatabing bangkay ng mag-ama sa banyo ng inuupahan nilang apartment unit sa Barangay Delas Alas, General Mariano Alvarez, Cavite nitong Linggo ng hapon, Nobyembre 8.
Kapwa nagtamo ng mga saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang mag-ama, habang natagpuan din ang isang kitchen knife malapit sa kanang kamay ng ama.
Ayon kay Police Lieutenant Colonel Roel Gabito, Officer-in-Charge ng GMA Municipal Police Station, inalis na sa imbestigasyon ang posibilidad ng pagnanakaw o may ibang taong sangkot sa krimen dahil walang indikasyon ng pagnanakaw at pilit na pagpasok sa bahay.
“Kung susundan po yung evidence gathered po, yung tatay po ang may gawa at dumedepensa na lang yung anak. Isama pa natin yung situation ng tatay na may depression, malaki po ang posibilidad na tatay po ang may gawa. Kinokonsider po naming suspek yung father at victim yung anak niya,” paliwanag ni Gabito.
Bago ang pagkakadiskubre, nakisuyo sa kaanak ang nanay na si alyas “Mildred” na puntahan ang apartment dahil ilang oras nang hindi sumasagot sa telepono ang kanyang mag-ama.
Dahil nakakandado ang bahay at walang sumasagot, naisipan ng kaanak na ilusot sa bintana ang kanyang cellphone para ma-videohan ang loob.
“Naisipan niya pong ipasok yung cellphone para ma-videohan yung paligid ng loob mismo ng bahay and then after ma-videohan, napanood niya sa video na may naka-handusay sa cr pero paa lang po nakita niya, paa po yun nung batang babae,” ani Gabito.
Doon na humingi ng saklolo sa barangay at pulisya ang kaanak para puwersahang buksan ang apartment unit.
“Yung ambulansya namin pumunta rin doon kung maisasalba pa yung biktima. Nangungupahan lang yung mag-ama doon sa bahay kaya hindi namin sila gaano kilala,” ani Nemencio Bertulano, hepe ng Barangay Delas Alas Public Safety.
Sa imbestigasyon ng pulisya, isang testigo ang nakarinig ng sigaw ng anak mula sa loob ng apartment bago matagpuang patay ang mag-ama.
“Ang pinaka word po roon is ‘Papa tama na. Tama na Papa’, pasigaw po yun na nabanggit ng bata, and kasunod po nun ay boses ng lalaki pero hindi po clear ang pagkakarinig po ng witness,” pahayag pa ni Gabito.
Hinihintay pa ang resulta ng autopsy sa mag-ama para matukoy ang tunay na sanhi ng kanilang pagkamatay.
Palaisipan sa ina ng biktima kung ano ang nag-udyok sa mister na stroke survivor para gawin ang krimen. Mapagmahal aniya ito sa kanilang 22-anyos na anak, na isang second year computer programming student.
“Sobrang nagulat ako eh kasi sa tagal kong OFW 12 years wala namang ganyang nangyayari. Kampante ako na naiiwan anak ko, kaya hindi ko lubos maisip na magiging ganon. Hindi ko po akalaing magagawa niya yun kasi mahal na mahal naman niya yung anak niya eh. Simula bata siya nag-alaga kasi nga nag-abroad ako. Napakasakit sa anak na tinatanggalan ka ng buhay ng sarili mong ama,” aniya.
Anim na buwan pa lamang sa Pilipinas ang ina matapos ang mahigit isang dekadang pagtatrabaho bilang OFW sa Taiwan, at kakahanap lang ng bagong trabaho sa Makati nang mangyari ang insidente.
“Sobrang bigat kasi sobrang tagal ko tiniis na hindi makasama yung anak ko tapos ngayon lang kami nagkaroon ng pagkakataon na magkasama, mag-bonding, tapos lahat ng pangarap niya, magaling yan, nawala lahat. Mahal na mahal ko yung anak ko, buhay ko yan eh. Nag-iisa lang yan,” dagdag pa nito.
Nakaburol na ang labi ng dalaga sa bahay ng kanilang kaanak sa GMA, Cavite habang na-cremate na ang labi ng kanyang ama.