Mangangalakal sa Tondo na idinadawit sa nakawan binaril, patay
Patay ang isang 38-anyos na mangangalakal matapos pagbabarilin ng riding-in-tandem sa Barangay 217, Tondo, Maynila nitong Lunes ng madaling araw, Nobyembre 9. Courtesy: MPD Jose Abad Santos Station via Eon SanchezMAYNILA — Patay ang isang 38-anyos na mangangalakal matapos pagbabarilin ng riding-in-tandem sa Barangay 217, Tondo, Maynila nitong Lunes ng madaling araw, Nobyembre 9.
Ayon kay Manila Police District (MPD) Jose Abad Santos Police Station Commander Lt. Col. Luke Ventura, matagal nang pinaghihinalaang sangkot sa pagnanakaw ng mga bakal at kalakal sa isang junkshop ang biktima.
Mariin naman itong itinanggi ng live-in partner ng biktima at iginiit na sapat lang ang kinikita ng kanyang kinakasama para ipambili ng pagkain at bigas ng kanilang pamilya. Wala rin aniya itong kaaway, na pauwi na sana galing sa bahay ng kaibigan nang pagbabarilin.
“Hindi po. Kasi yung asawa ko, kapag umuuwi dito, halos hindi nga po umaabot ng P100 yung kalakal niya, magnanakaw pa siya?” aniya. “Yung makaraos lang, makabili lang ng bigas. Yun lang ang iniisip ng asawa ko kaya pinagtyatyagaan niya.”
Sa pagsisiyasat ng MPD Homicide Division sa mga kuha ng CCTV sa lugar, nahuli sa follow-up operation kinagabihan ang 39-anyos na gunman na kinilalang si alyas “Totong” sa labas ng bahay nito sa Tondo. Ayon sa pulisya, isang laborer at nadawit na rin sa mga kasong may kinalaman sa ilegal na droga at baril ang suspek.
Itinanggi ng suspek sa panayam na siya ang pumatay sa biktima, pero ayon sa pulisya, una na nitong inamin ang krimen sa kanilang imbestigasyon.
“Pagkakita niya sa biktima, bumaba siya ng motor. Nilapitan niya at noong nakilala siya ng biktima, tumakbo at doon na nga niya binunot yung baril. Binaril niya at tinamaan ng bala sa likod yung biktima at noong nakadapa na, nilapitan pa niya. Binari niya ulit sa mukha. After noon, tumakas na sila,” pagsasalaysay ni Ventura.
Narekober sa suspek ang kalibre .38 na rebolber na hinihinalang ginamit sa pamamaril, pati na ang mga bala at basyo nito.
“Isa lang po ang masasabi ko: iyong ginawa niya sa asawa ko, panagutan niya. Hindi niya alam yung sinira niyang pamilya,” pahayag ng live-in partner ng biktima.
Nakakulong na ang suspek sa kasong murder habang patuloy na tinutugis ng pulisya ang kasabwat nitong nagmaneho ng motorsiklo.