TV PATROL: 3 estudyante at driver sugatan matapos bumaliktad ang sinasakyang tricycle
Sugatan ang driver at tatlong pasaherong estudyante matapos bumaligtad ang sinasakyang tricycle sa Victoria, Northern Samar nitong Biyernes.
Sa kuha ng CCTV, binabagtas ng tricycle ang kalsada ng Barangay Erenas nang mahagip nito ang isang tumatawid na aso.
Nawalan ito ng balanse at tuluyang bumaliktad.
Tumilapon naman ang ilang sakay nito.
Sa impormasyon ng Victoria Municipal Police Station, senior high school students ang sakay ng tricycle na pauwi na sana sa kani-kanilang bahay. Patuloy silang ginagamot sa ospital habang nagtamo ng minor injury ang tricycle driver.
Inaalam na kung sino ang may-ari ng aso habang patuloy na iniimbestigahan ng pulisya ang insidente. TV Patrol, Sabado, 14 Nobyembre 2026