TV PATROL: 9 na sasakyan, isang tindahan inararo ng dump truck sa Antipolo, Rizal; 6 sugatan
Anim ang sugatan matapos araruhin ng dump truck ang siyam na sasakyan bago sumalpok sa tindahan sa Antipolo City, Rizal ngayong Martes ng hapon.
Kargado ng mga sako ng semento ang truck na nawalan umano ng preno.
Nadala na sa pagamutan ang anim na nasugatan sa insidente, kabilang ang may-ari ng tindahan sa aking likuran kung saan sumalpok ang dump truck na may kargang semento at papunta na sana sa Maynila.
Ayon sa barangay, pinaniniwalaang nawalan ng preno ang dump truck kaya hindi na nakapagmenor at tuluyang bumulusok ng highway.
Kabilang sa mga nasugatan ang 61-anyos na may-ari ng tindahan.
Ayon sa kanyang asawa, nagbabantay lamang sila sa kanilang tindahan nang biglang sumalpok ang truck kaya nadaganan ng isang estante ang biktima.
Hindi lamang ang tindahan ang napinsala sa insidente. Nasagi rin ng truck ang isang kotse, isang suv, isang van at anim na motorsiklo.
Nasa kustodiya na ng Antipolo City Police ang driver ng dump truck.
Mula sa Antipolo, Rizal, nagpapatrol si Allison Co. TV Patrol, Martes, 17 Nobyembre 2026