TV PATROL: Ilang senator-judge sinita ang testigo ng depensa sa pagpuna sa forensic financial report
Sa pagpapatuloy ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, sinita ng ilang senator-judge hindi lang ang ilang tanong ng depensa kundi pati na rin mismo ang karanasan at kredibilidad ng testigo nito.
Naging maiinit ang pagtatanong sa certified public accountant na si Atty. Rainer Dela Fuente matapos niyang magbigay ng mga opinion laban sa forensic financial report mula sa prosekusyon tungkol sa umano’y tinatagong yaman ni Duterte kahit na aminado siyang hindi niya nasuyod ang buong report.
Pumalag ang tagapagsalita ng bise presidente sa pagsita kay Dela Fuente, habang giniit ng tagapagsalita ng defense panel na nirerespeto nila ang Senate impeachment court at ang mga opinion ng mga senator-judge.
Sa pag-usisa naman ng senator-judges, nagpaliwanag si Dela Fuente kung bakit tila hindi siya tumatagal sa isang ahensya ng gobyerno.
Live mula sa Senado, nagpapatrol si Katrina Domingo. TV Patrol, Huwebes, 19 Nobyembre 2026.