TV PATROL: 3 Malaysian arestado sa umano’y online scam hub sa Ilocos Norte
Tatlong Malaysian ang arestado, habang labing isang 11 na posibleng biktima ng human trafficking ang sinagip, sa raid ng National Bureau of Investigation sa hinihinalang online scam hub sa Currimao, Ilocos Norte.
Sinalakay ng pinagsamang pwersa ng NBI at Philippine Air Force ang umano’y scam hub sa Barangay Victoria noong November 14 matapos ireklamo ng isang babae na ni-recruit umano roon bilang visual assistant.
Pero pagdating sa hub ay ikinulong siya ng mga dayuhan at pinilit magtrabaho sa online scam.
Bukod sa mga gadget at mga script sa scamming operations, natuklasan din sa raid ang ilang jacket, sumbrero, tsapa, card na may logo ng FBI at maging bandila ng Amerika.
Hinala ng NBI, nagpapakilalang US law enforcers ang mga suspek sa kanilang panloloko.
Isinalang na sa inquest proceedings ang tatlong Malaysian at mananatili sa kustodiya ng NBI Laoag District Office habang humaharap sa legal na proseso.