TV PATROL: SC isinantabi ang writ of habeas corpus petitions vs pag-aresto kay ex-Pres. Duterte
Isinantabi na ng Korte Suprema ang pinagsama-samang petisyon para sa writ of habeas corpus ng mga anak ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na kumukwestyon sa pag-aresto sa kanilang ama sa kasong crimes against humanity ng International Criminal Court.
Ayon sa Korte Suprema, moot o wala nang saysay na pagpasyahan pa ito dahil nakakulong na ang dating pangulo sa The Netherlands.
Anila, ang writ of habeas corpus ay maipatutupad lamang sa Pilipinas.
Siyam na justices ang bumoto pabor sa desisyon. Apat naman ang kumontra.
Binigyang-diin naman ng Korte Suprema na ang pagsantabi sa mga petisyon ay hindi nangangahulugang legal ang pag-aresto at paglilipat kay Duterte o hindi nilabag ang kanyang mga karapatan sa ilalim ng Konstitusyon.
Anila, anumang sinasabing paglabag sa mga karapatan ni Duterte ay dapat idaan sa angkop na legal na proseso at hindi sa pamamagitan ng petisyon para sa habeas corpus.