Eh ‘di wow!

Credit to Author: Tempo Desk| Date: Wed, 08 May 2019 12:10:42 +0000

alex calleja

ANG column na ito ay gina­wa para sa mga taong may suliranin sa buhay na gusto ng agarang solusyon! Walang maliit o mala-king problema, lahat dito, pantay-pantay! Huwag niyo nga lang seseryosohin kasi hindi lahat ng mababasa niyo dito totoo! Good vibes lang! Simulan na natin!

*  *  *

Hi Alex,

Supporter po ako ng isang partido dito sa Pasay. Mainit po ang naging laban namin ng kabilang partido nitong nakaraang kampanya. Dahil sa sobrang init, may mga mag­kakaibigan ang nagkagalit-galit dahil sa sinusuportahang mga kandidato! Ang sabi ng kalaban naming kandidato, kapag natalo sila, nadaya! Ang sabi naman ng kandidato namin, kapag natalo kami, na­daya rin! Anong masasabi niyo dito Tito Alex?

Vener ng Pasay City

 

Hi Vener,

Ang masasabi ko lang ay ito – eh di wow!

*  *  *

Hi Alex,

Bilib ako sa kumakandidato dito sa lugar namin! Hindi ko na sasabihin ang lugar kasi malalaman niyo. Halos buong pamilya niya tumakbo na para hindi sila mapalitan sa pu­westo! Tatlong termino lang kasi at hindi ka na pwedeng tumakbo. Pagkatapos ng tat­long termino, ang pinatakbo niya, asawa niya! Pagkatapos naman ng termino ng asawa niya, yung anak naman niya! Pagkatapos ng tatlong ter­mino, yung isa naman niyang anak! Sobra-sobra na! Paano kaya matitigil ang ganitong kalakaran?

Everly (walang address)

 

Hi Everly,

Eh bakit binoboto niyo ng bino­boto pa rin? Kasalanan niyo rin yan!

*  *  *

Hi Alex,

Dahil sa eleksyon, ang dam­ing mga posters sa paligid! Sino ba dapat ang magta­tanggal nito pagkatapos ng eleksyon, yung nanalo o yung natalong kandidato?

Dondon ng Marikina

 

Hi Dondon,

Ang magtatangal eh yung nanalo! Kawawa naman kung yung natalo pa ang magtatanggal! Natalo na nga, pagtatanggalin mo pa! Baka mama­ya, habang nagtatanggal eh maiyak pa yan dahil sa laki ng ginastos niya na hindi na niya mababawi!

*  *  *

Hi Alex,

Ngayong patapos na ang eleksyon, ano ang unang ga­gawin ng mga kandidatong mananalo?

Jade ng Alabang

 

Hi Jade,

Ang unang gagawin ng mananalo eh ang magpahinga! Kasi nagpa-araw yan, nag-ikot habang mainit at naglakad para magkampanya! Ngayon ang gagawin niya, mag­bakasyon! May iba dyan, pupunta sa ibang bansa, ang iba, out-of-town. Ang ibang mga mananalo eh magcocompute na kung magkano ang nagastos nila at kung sino-sino ang mga babayaran nila. Baka ta­nungin mo kung tutuparin nila ang pangako nila, pray ka lang! Tapos magpapakita na ulit sila sa susunod na eleksyon kapag kailangan na na­man nila ng boto!

Sa gustong magtanong sa akin, email lang kayo: alexcalleja1007@yahoo.com facebook/twitter/instagram: alexcalleja1007

http://tempo.com.ph/feed/