Saturday, October 31, 2026

Thinking Port

Another port for thinking people…

ABS-CBNNewsPhilippines

Snatcher sa QC na nanghablot ng P70k kwintas arestado sa Maynila

Pagsakay ng kasama nitong babae at maibaba ang alaga sa sasakyan, doon na nilapitan at hinablot ng mga suspek ang alahas ng biktima. Courtesy: QCPD via Christopher Sitson

MAYNILA — Timbog ang isang 19-anyos na lalaking suspek na nanghablot umano ng P70,000 halaga ng gintong kwintas sa tapat ng isang pet shop sa Barangay Sta. Teresita, Quezon City, noong Sabado, Oktubre 24.

Agad na nag-report sa mga awtoridad ang biktima, kaya sa follow-up operation ay tuluyang natunton ng pulisya ang suspek sa Sampaloc, Maynila, noong Linggo ng hapon sa tulong ng mga nakalap na kuha ng CCTV.

Ayon kay Lt. Col. Jose Luis Aguirre, commander ng La Loma Police Station ng Quezon City Police District (QCPD), nagkaroon pa ng habulan bago nila naaresto ang isa sa mga suspek.

“Nagkaroon na ng habulan. Natumba ‘yung motor at itong suspek na nahuli natin ngayon ay iniwan ng kanyang rider,” ani Aguirre.

Sa imbestigasyon at mga kuha ng CCTV, matiyagang minanmanan ng mga suspek ang 29-anyos na biktima habang karga ang alaga nitong aso. Pagsakay ng kasama nitong babae at maibaba ang alaga sa sasakyan, doon na nilapitan at hinablot ng mga suspek ang alahas ng biktima.

“Hinabol pa niya ito pero pinagbantaan siya na huwag na siyang humabol dahil babarilin siya ng mga ito,” dagdag ng opisyal, na nagkumpirmang menor de edad pa lamang ay sangkot na ang nahuli sa snatching sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila.

Bukod sa narekober na hinihinalang mga nakaw na gintong pulseras at kwintas, nakumpiska rin sa suspek ang isang cellphone at baril na may mga bala.

“Ang baril ay nakapangalan sa isang sundalo, at ngayon vine-verify pa namin kung paano napunta sa suspek na ito ‘yung baril,” saad pa ni Aguirre.

“Sa korte na lang po ako magpapaliwanag,” pahayag naman ng suspek.

Nakakulong na dahil sa mga kasong pagnanakaw, grave threat, at paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act ang suspek, habang patuloy ang manhunt operation ng pulisya sa kasabwat nito.

KAUGNAY NA VIDEO

Leave a Reply